Maghahain ng panukalang batas ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para tuluyang suspindehin ang ilang probisyon na nakapaloob sa RA 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act.
Sa pagdinig ng Transportation Committee ng Kamara, sinabi ng Chairman at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento na magpapasa muna ng panukala ang Kamara bago masuspinde ang probisyon patungkol sa Child Car Seat Law na umani ng batikos at kalituhan sa publiko.
Ipinaliwanag dito ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na mangangailangan muna na mag-apruba ang Kongreso ng batas para sa suspensyon ng isa pang batas at hindi ito magagawa ng anumang executive implementation.
Kasabay rin ng pagpasa ng isang panukala na magsususpinde sa pagpapatupad ng Child Car Seat Law ay magbabalangkas naman ang kapulungan ng mga solusyon para maayos na sa oras na ibalik at ipatupad ang batas.
Handa naman si Land Transportation Office Chief Edgar Galvante na tumalima sa oras na ma-defer ang batas.
Samantala, pinagsusumite naman ni Sarmiento ang Department of Trade and Industry (DTI) ng position paper at rekomendasyon para makontrol ang presyo ng car seat sa oras na ito ay tuluyang ipatupad.