Nagpatawag ng pulong bukas si Speaker Lord Allan Velasco para silipin ang naging pinsala ng Bagyong Odette sa ilang mga probinsya sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento, mismong ang speaker ang tumawag at nag-utos sa kanya para magsagawa ng briefing bukas.
Sisilipin sa meeting ng komite kung paano gagawing sentralisado ang structure ng logistical assistance ng pamahalaan para sa mabilis na paghahatid ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo.
Kasama sa ipapatawag sa pulong bukas ang Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH) Department of Energy (DOE), Office of Civil Defense (OCD) gayundin ang mga sektor mula sa aviation at maritime.
Mahalaga aniya ang isasagawang briefing kung saan aalamin ang kondisyon ng mga airport, seaports, nautical highways, major road networks, relief efforts at iba pa.
Kasama rin sa pag-uusapan ang sitwasyon ng kuryente kung saan may ilan pang mga probinsya ang hindi pa buong naire-restore o naibabalik ang kuryente at linya ng komunikasyon.