Kamara, magsasagawa ng pagdinig ngayong araw para maibsan ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa

Pag-uusapan mamayang ala-una ng hapon ng Kamara sa gagawing modifies hearing ang fiscal stimulus plan upang mabigyang solusyon ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.

Isasagawa ang hearing sa pamamagitan ng video conference tulad noong aprubahan ng Kamara ang Bayanihan Act.

Kabilang naman sa lalahok sa pagdinig sina House Speaker Alan Peter Cayetano, House Economic Affairs Committee Chairman Sharon Garin, House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda at Marikina City Rep. Stella Quimbo.


Inaasahan na lalahok din sa hearing sina Finance Secretary Carlos Dominquez, Labor Secretary Silvestre Bello III at GSIS Chairman Rolando Macasaet kung saan sila ang mauunang magsalita bago ipresenta ng mga nabanggit na economist-solon ang kanilang mga proposal.

Sa ilalim ng proposal ni Salceda, nais nito na magkaroon ng comprehensive Coronavirus response package na tatawaging “Filipino Families First” kung saan kakailanganin ng pondo na nagkakahalaga ng P169.9 Billion.

Nakasaad dito na magkakaroon ng spending plan na nagkakahalaga ng P169.9 Billion, kung saan P85.5 billion ang tiyak umanong mababawi kaya nasa P84.4 billion ang net cost nito.

Nakapaloob dito ang pagpapautang ng walang interes sa halagang P50 Billion para sa mga kumpanya gaano man kalaki o kaliit, at P45 Billion na pautang din sa turismo.

Magiging kondisyon naman sa loan ang pagpapanatili sa mga empleyado sa buong panahon ng krisis.

Sakali namang may matanggal na empleyado, papasok na dito ang safety net o ang P25 Billion para sa Unemployment assistance sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.

Samantala, sa ilalim naman ng panukala ni Quimbo, kailangan maglaan ang gobyerno ng P108 Billion fiscal stimulus package para mabawasan ang impact sa ekonomiya ng COVID-19.

Nakasaad sa Economic Rescue Plan for Covid-19 ni Quimbo na ang fiscal stimulus package ay hahatiin sa tatlo kung saan P43 billion para sa assistance and promotion ng tourism sector, P15 billion para sa unemployment assistance at ang P50 billion ay para sa tulong sa mga negosyo partikular na sa MSMEs.

Facebook Comments