Kamara, magsasagawa pa ng 1 hanggang 2 pagdinig para sa Cha-Cha

Isa hanggang dalawa pang pagdinig ang isasagawa ng House Committee on Constitutional Amendments para sa pagtalakay sa amyenda ng economic provisions ng Konstitusyon.

Ayon kay Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin, isa hanggang dalawa pang committee hearings ang gagawin para sa economic Charter Change (Cha-Cha) bago ito iakyat sa plenaryo at pagtibayin sa ikalawang pagbasa.

Binigyang diin naman ni Garbin na ang 3/4 voting sa panukalang Cha-Cha ay hiwalay na gagawin ng Kamara at Senado.


Ang isyu aniya sa pagsusulong ng Cha-Cha ay nagtugma at pinagkasundo na matapos na lagdaan ng iba’t ibang political party leaders sa Kamara ang manifesto na sumusuporta sa Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco.

Matatandaang naunang tiniyak ng komite na tanging amendments lamang sa economic provisions ang gagalawin ng Kamara at anumang labas sa sakop ng resolusyon ay hindi pakikialaman ng House leadership.

Facebook Comments