Manila, Philippines – Magtatalaga na ang Mababang Kapulungan ng mga magiging miyembro ng contingent sa Bicameral conference committee para sa panukalang pagbuwag sa Road Board.
Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., sa pagbabalik sesyon sa January 14, 2019 agad nilang itatalaga ang mga kinatawan ng Kamara sa Bicam sa Road Board Abolition Bill para agad na itong maaprubahan ng Pangulo.
Tiniyak ni Andaya na susunod sila sa guidance ni Pangulong Duterte partikular sa nais nitong paglusaw sa Road Board na pinaniniwalaang ugat ng korapsyon sa pamahalaan.
Siniguro din ng mambabatas ang pagkakaroon ng reporma at ang pagtiyak sa tamang paggastos o paglalaanan sa nakokolektang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC).
Sinabi pa ni Andaya na 100 porsyentong isusulong ng Kamara ang pag-abolish sa Road Board at wala silang balak na ilipat ang kapangyarihan ng Road Board sa tatlong kalihim ang DOTr, DPWH at DENR, na magsisilbing three road kings na siyang may kapangyarihan sa paggastos sa MVUC.
Bago ang Bicam ay magkakaroon pa ng pulong ang Senado at Kamara kaugnay sa usapin ng pagbuwag sa Road Board.