Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada, na mali ang Kamara sa kanilang interpretasyon sa Konstitusyon partikular sa paraan ng botohan sa Charter Change.
Ayon kay Estrada, iginagalang niya ang opinyon at papel ng mga kapwa mambabatas mula sa Kamara pero naniniwala siyang nagkakamali ng interpretasyon sa saligang batas ang mga kongresista.
Paliwanag ni Estrada, ang kapangyarihan na magpanukala ng amyenda sa Konstitusyon ay hindi ibinibigay sa unicameral body kundi sa bicameral body na siyang mayroon tayo ngayon na binubuo ng Senado at Kamara.
Ang salitang Kongreso ay tumutukoy aniya sa kabuuan ng sangay ng lehislatibo at hindi lamang ito tungkol sa Kamara.
Dahil dito, makatwiran din aniyang igiit na anumang panukalang amyenda o pagbabago sa Konstitusyon ay dapat na hiwalay na pagbotohan ng parehong “Houses of Congress”.
Dagdag pa ni Estrada, ang pagbalewala sa papel at boses ng Senado sa proseso ng pagamyenda ng Konstitusyon ay makalalabag sa prinsipyo ng bicameralism at separation of powers ng Kongreso.
Pinapahina rin dito ang pagkalehitimo at kredibilidad ng panukalang amyenda dahil hindi naman nito tunay na sinasalamin ang kagustuhan ng mga Pilipino.