Umapela si House Speaker Lord Allan Velasco sa mga kapwa mambabatas na i-exercise ang pagiging mahinahon at maingat sa gaganaping canvassing ng Kongreso.
Kaugnay na rin ito ng isinagawang initialization sa Consolidation and Canvassing System (CCS) na gagamitin ng National Board of Canvassers o NBOC-Congress para sa pagbibilang ng boto sa mga kandidato sa Presidente at pagkaBise Presidente.
Ayon kay Velasco, bilang mga myembro ng Kongreso, nasa mandato nila ang tanggapin at i-canvass o bilangin ang mga boto sa dalawang pinakamatataas na posisyon sa bansa.
Hiling niya sa mga kongresista at senador na tatayong NBOC-Congress na maging malalim, mapanuri, at may kamalayan dahil ipinagkatiwala umano ng mga Pilipino ang tungkulin na tiyaking ang mga mahahalal na mga bagong lider ng bansa ay lehitimong pinili ng mga Pilipino.
Kahapon ay pinangunahan ni Velasco kasama si Senate President Tito Sotto ang initialization ng CCS System para sa electronic na pagtanggap ng Kongreso sa mga certificate od canvass o COCs para sa 2022 presidential at vice presidential elections.
Sa Mayo 23, mag-co-convene ang Kamara at Senado bilang NBOC-CONGRESS at sisimulan ang opisyal na canvassing para sa mga kandidato sa Presidente at Bise Presidente.