
Itinalaga ng Kamara ang 12 kongresista bilang bahagi ng contingent para sa deliberasyon ng Bicameral Conference Committee (Bicam) ng 6.793 trilyong pisong 2026 national budget.
Pinangungunahan ito ni House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija Representative Mika Suansing.
Kasama rin sa mga itinalaga sina Representatives Albert Garcia, Kristen Singson-Meehan, Jose Alvarez, Maria Carmen Zamora, Romeo Momo Sr., Rufus Rodriguez, Jurdin Jesus Romualdo, Brian Yamsuan, Javier Miguel Benitez, Allan Ty, at House Minority Leader Rep. Marcelino Libanan.
Nakatakdang simulan ang Bicam para sa 2026 budget bukas, December 12, hanggang December 14.
Sa Bicam, tatalakayin at paplantsahin ang mga pagkakaiba sa bersyon ng 2026 budget na ipinasa ng Kamara at Senado.
Samantala, pinagtibay naman ng Kamara ang House Resolution No. 7 na nag-aamyenda sa legislative calendar para sa 1st regular session ng 20th Congress.
Nakasaad sa resolusyon na ini-atras sa December 23 ang dating December 17 na huling session ng Kongreso, habang itinakda naman sa January 26 ang dating December 19 na pagbabalik ng session sa susunod na taon.









