Dalawa na lamang sa labindalawang panukalang nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA ang natitirang tatrabahuin ng Kamara sa oras na magbalik sesyon pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR.
Ito ay ang mga panukalang Unified Military and Uniformed Services Personnel Separation, Retirement, and Pension Act at free legal assistance para sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Pagtitiyak ni House Majority Leader Martin Romualdez, ipaprayoridad nila sa pagbabalik sesyon ang mga nabanggit na panukala.
Inaasahang maging batas na ang mga ito bago ang June 2022 o bago pa man bumaba sa kaniyang termino si Pangulong Rodrigo Duterte upang maranasan naman ng mga military, police at iba pang uniformed personnel ang bunga ng kanilang pinaghirapan.
Ang MUP ay nakasalang na sa ikalawang pagbasa sa Kamara habang ang free legal assistance sa mga sundalo at pulis ay nasa ilalim pa ng deliberasyon ng Komite.