Manila, Philippines – Nakahanda ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na muling mag-double time sa plenaryo para sa mabilis na pag-apruba ng 2020 national budget.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, mag-o-overtime silang mga kongresista kung saan sa Martes ay nakatakdang umpisahan ang deliberasyon sa P4.1 trillion budget ng ala 1 ng hapon at magtutuluy-tuloy ito hanggang gabi.
Pati Biyernes ay magtatrabaho din ang Kamara na magtatagal hanggang sa susunod na Linggo.
Umapela din si Romualdez sa mga kongresista na tulungan muli ang liderato ng Kamara na aprubahan agad ang budget.
Ang house leadership aniya sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Alan Peter Cayetano ay muling nakikiusap sa mga mambabatas na iwasan ang paulit-ulit at magtanong lamang ng mga mahahalaga gayundin ang regular na pagdalo sa sesyon hanggang sa maaprubahan ang budget.
Umaasa si Romualdez na muling magpapakita ng professionalism at disiplina ang mga kongresista sa deliberasyon ng budget.
Matapos naman ang dalawang linggong debate sa pambansang pondo sa plenaryo, i-pi-print naman agad ang kopya para sa 3rd at final reading ng panukalang budget na inaasahang maaaprubahan bago ang adjournment sa October 4.