Kamara, nag-isyu na ng subpoena sa contractor, DPWH officials na sangkot sa kwestyunableng 2019 infra projects

Manila, Philippines – Nagpalabas na ng subpoena ang Kamara de Representantes sa contractor na C.T. Leoncio Construction ang trading company at sa mga opisyal ng DPWH sa Bicol Region kaugnay ng imbestigasyon sa pagbibigay ng Department of Budget and Management (DBM) ng multi-bilyong pisong infrastructure projects sa lalawigan ng Sorsogon at ang budget insertions sa 2019 na aabot sa P75 billion.

Ang C.T. Leoncio ang napiling contractor ng DBM sa infrastructure at flood projects sa maraming lugar sa bansa.

Nakarating na noong December 20 ang mga subpoena sa Region 5 at inaasahang dadalo ang mga ipinatawag sa pagsisiyasat ng Kamara sa Naga City sa January 3, 2019.


Kabilang sa mga ipina-subpoena sina Consolacio Leoncio na may-ari ng C.T. Leoncio, mga DPWH officials sa Bicol na sina Engrs. Virgilio Eduarte, Danilo Verzola, Ignacio Odiaman, Wilfredo Flores, Larry Reyes, Merla Raveche, Jorge Gorimbao, Victor Azupardo, Gil Augustus Balmadrid, Noland Claro Guerrero, Ms. Malou Lacuna, Mr. Renato De Vera at Dr. Elenita Tan.

Hindi naman magdadalawang isip ang Kamara na maglabas ng arrest orders sa mga hindi dadalo sa ipinatawag na imbestigasyon ng Mababang Kapulungan.

Ipinadadala naman kay ginang Leoncio at sa mga DPWH officials ang mga dokumento kaugnay sa mga kwestyunableng infrastructure projects.

Samantala, nauna ng naungkat sa Kamara ang maanomalyang P10 billion infrastructure projects noong 2018 at P325 million flood control projects ngayong 2019 sa Casiguran, Sorsogon kung saan napag-alaman na ito ay bayan ng balae ni Budget Secretary Benjamin Diokno na si Mayor Edwin Hamor.

Facebook Comments