Nagbanta si Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na bilang na ang araw ng mga drug lords at mga nagkakanlong at protektor ng iligal na droga sa bansa.
Ang babala ni Barbers ay kasunod ng pagkaka-apruba sa House Bill 7814 o ang pag-amyenda sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 sa Kamara.
Tinukoy ng mambabatas na inamin mismo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mula 2013 hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang naitatalang personalidad o indibidwal na naaresto o nakasuhan sa korte dahil sa pagiging coddler o protector at financier ng mga pinaghihinalaang drug lords.
Sinabi pa ni Barbers na kahit mula noong 2002 na naisabatas ang RA 9165 ay wala ring naitalang naaresto, kinasuhan o na-convict na drug protector o financier.
Batay pa sa report ng PDEA, sa 6,704 accused, 5,860 dito ang na-dismissed ang kaso sa lebel ng mga prosecutors at enforcers habang sa 13,708 drug cases, 12,440 dito ang acquitted o napawalang kaso sa korte.
Ito aniya ang dahilan kaya puspusan ang Kamara na mapagtibay at tuluyang maipasa ang panukala na nag-aamyenda sa ilang probisyon ng batas.
Ang panukala aniya ay hinulma para tugunan ang mga palpak o butas sa umiiral na anti-drug laws.
Kabilang sa amyenda na sa tingin ng kongresista ay makakatulong para masawata ang iligal na droga sa bansa ay ang pag-o-obliga sa mga operatiba na magsuot ng body cams at maglagay ng dash cams sa kanilang mga anti-drug operations, pagpaparusa sa mga lessors o landlords na nagpapaupa ng pag-aari para gawing laboratoryo o drug dens, kustodiya at disposition ng mga nakumpiskang ebidensya, “planting of evidence”, at legal presumptions laban sa mga protectors o financier ng mga drug lords.