Buo ang suporta ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa plano ng tanggapan ni Albay 3rd District Rep. Fernando “Didi” Cabredo na magtayo ng community pantry para sa mga inilikas kaugnay ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Bunsod nito ay nagbigay ng P500,000 na cash assistance sina Speaker Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre sa nabanggit na itatayong community pantry na magbibigay ng libreng makakain at iba pang pang-araw-araw na gamit sa mga nasalanta ng bulkan.
Magbigay din si Romualdez ng tig P500,000 na halaga ng relief goods bukod sa tig-P500,000 cash assistance sa mga constituents nina Albay 1st district Rep. Edcel Lagman at 2nd district Rep. Joey Salceda.
Inasikaso na rin ng tanggapan ni Speaker Romualdez ang pagpapalabas ng tig-P10 milyong cash assistance sa bawat distrito sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inendorso na rin ni Speaker Romualdez sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang hiling ni Salceda na P10 milyong tulong sa kanyang mga constituent sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) cash-for-work program.
Samantala, bukod sa mga taga-Albay ay pinadalhan na rin ng tulong nina Romualdez at Tingong Party-list ang mga biktima ng sunog sa Ormoc, Leyte gayundin sa Mandaluyong at Quezon City sa National Capital Region.