Pinalilibre mula sa mga bayarin na taxes at duties ang mga medical oxygen at iba pang medical supplies para sa COVID-19.
Ang agarang pagtugon na ito ng Kamara ay dahil na rin sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na i-exempt sa buwis ang mga medical oxygen na kailangang-kailangan ngayon sa gitna ng pagtaas na naman ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa oras na maging ganap na batas ang House Bill 9958, ang Secretary of Finance at Secretary of Health ay magkasama at regular na maglalabas ng listahan ng mga critical o kinakailangang supplies para sa prevention, control, at treatment ng COVID-19.
Kasama sa listahan ang lahat ng mga healthcare equipment at supplies kabilang ang medical oxygen na hindi na papatawan ng import duties, taxes, at iba pang bayarin.
Paglilinaw pa ni Ways and Means Rep. Joey Salceda, ang probisyon ng panukala ay general o pangkalahatan na medical supplies upang hindi na gagawa ng lehislasyon sa bawat kagamitang medikal.
Tatagal naman hanggang December 2022 ang effectivity ng panukala na pinaniniwalaang sapat na panahon para makamit ang herd immunity.