Nakitaan ng Quezon City – Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng paglabag sa pagre-report ng COVID-19 cases ang Mababang Kapulungan.
Ito ay matapos magpositibo ang 98 na House members at employees sa isinagawang mass testing mula November 10 na hiwalay pa sa mahigit 80 kaso na naitala noong Marso.
Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz, tanging 40 cases lamang ang kanilang nasa listahan na pawang nagself-reporting at kinailangan pang kalampagin dito ang Mababang Kapulungan para lamang magsumite ng report.
Iginiit ni Cruz na malinaw na may nilabag ang Mababang Kapulungan dahil sa loob ng 24 oras ay nai-report na dapat ang 98 COVID-19 cases pero tumagal pa ito ng 20 araw.
Tiniyak naman ni Cruz na isusumite nila sa Department of Health (DOH) ang report ukol sa kanilang magiging findings sa late reporting ng Kamara gayundin kung saan at paano nakuha ng mga bagong positive cases ang sakit.
Gayunman, aminado ang CESU na mahihirapan na sila ngayon sa gagawing contact tracing lalo na’t ilang araw na rin ang lumipas.
Habang isinisi naman ng mga kawani ng Kamara ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 cases sa hindi istriktong pagsunod sa quarantine protocols ng mismong mga House Leaders.