
Naglabas na ang Kamara ng interim guidelines kaugnay sa paglahok ng people’s organizations (POs) at iba pang civil society groups (CSOs) sa deliberasyon ng panukalang 2026 national budget habang inihahanda pa ang permanenteng House rules o batas para rito.
Batay sa Memorandum Circular Number 20-002 na pirmado ni House Secretary General Reginald Velasco, ay magpapatupad ng simpleng proseso para ma-accredit ang mga CSOs at POs.
Hanggang dalawang kinatawan kada organisasyon ang puwedeng ma-accredit at sasailalim sila sa orientation tungkol sa code of conduct at rules of decorum.
Ang mga accredited groups ay maaaring mag-obserba sa committee at plenary hearings, makakuha ng mga materyales na iprinisinta sa deliberasyon, mag-submit ng written position papers sa itinakdang deadline, at ipresenta ang pinagsama-samang sektor na pananaw sa mga puntong itinalaga ng Kamara.
Para sa maayos nilang partisipasyon ay bumuo ang Secretariat ng Task Force on People’s Participation na syang mangangasiwa sa accreditation, pag-circulate ng schedule at briefings, pagtulong sa mga observers sa mga proceedings, at pagpadala ng submissions sa mga miyembro at komite.









