Pinaalalahanan ni Deputy Majority Leader Christopher de Venecia ang mga kandidato sa paggamit ng musika, video, larawan, graphics, at iba pang copyrighted materials na pagmamay-ari ng mga creative artists.
Tinukoy ng kongresista na kadalasang naaabuso tuwing kampanya ang mga likha ng mga creative artists dahil sa pagbalewala ng mga kandidato sa intellectual property rights (IPR).
Paalala ng mambabatas, na siya ring Chairman ng Committee on Creative Industry & Performing Arts sa Kamara, mayroong batas na pumoprotekta sa IPR na siyang dapat na sundin ng lahat maging ng mga pulitiko.
Ang paglabag sa IPR ay isang uri aniya ng pagnanakaw.
Ang paglalagay aniya ng CTTO (credit to the owner) ay hindi lehitimong palusot at hindi ito pagsunod sa IPR laws ng bansa.
Maging ang pagbabago ng liriko ng musika, paggawa ng music covers na nagreresulta sa kita at hindi pagbabayad ng royalties sa artist ay malinaw na paglabag sa batas.
Dahil dito ay nakikiisa ang kongresista sa panawagan ng Filipino Society of Composers, Authors, and Publishers (FILSCAP) sa hindi otorisadong paggamit ng copyrighted materials at iba pang IPR contents.