Pinagtibay ng House of Representatives ang House Resolution No. 120 na naglalahad ng pakikiramay sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Kabilang sa may-akda ng resolusyon sina House Speaker at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez; Majority floor leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose Dalipe; Senior Deputy Majority Floor Leader and Ilocos Norte 1st District Rep. Alexander “Sandro” Marcos; at Minority Floor Leader at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Partylist Rep. Marcelino Libanan.
Sa resolusyon ay kinilala ng mga mambabatas ang mga nagawa ni Ramos mula sa pagiging opisyal at leader ng militar, kalihim ng Department of National Defense (DND) at Pangulo ng bansa.
Binanggit din sa resolusyon ang pagiging founder at chairman emeritus ni Ramos ng Partido Lakas-CMD, na ngayon ay si Romualdez ang Presidente.
Binigyang diin sa resolusyon na sa ilalim ang administrasyon ni Ramos ay umunlad ang bansa at nahikayat ang mga dayuhang mamumuhunan.
Sa sesyon nitong Lunes ay nagprivilege speech naman sina Cavite Representative Lani Mercado, Albay Representative Edcel Lagman, Batangas Representative Ralph Recto at Lanao Del Sur Representative Zia Alonto Adiong.
Kanilang binigyang diin ang kahanga-hangang katangian ni Ramos at ang mahusay na pamumuno nito sa bansa.