Kamara, nagpatibay ng resolusyon na kumokondena sa pambobomba sa MSU

Pinagtibay ng House of Representatives ang House Resolution No. 1504 na nagpapahayag ng pagkondena ng Kapulungan sa nangyaring pambobomba sa gym ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.

Nakasaad sa resolusyon ang pagpapaabot ng Kamara ng pakikisimpatiya sa pamilya at mahal sa buhay ng mga biktima kaakibat ang pangakong pagtulong sa mga naapektuhang residente.

Binigyang-diin sa resolusyon na lubhang nakababahala na naisagawa ang isang malagim na trahedya sa isang lugar ng pag-aaral at pagsasama-sama habang idinaraos ang banal na misa.


Nakasaad sa resolusyon na ito ay nagbabantang sumira sa kapayapaang itinaguyod ng pamahalaan sa Mindanao, at nagdulot din ng gulo at pagkabahala sa komunidad.

Nakapaloob din sa resolusyon ang panawagan para sa mabilis na imbestigasyon at pagpapanagot sa mga salarin.

Facebook Comments