Kamara, nagpatibay ng resolusyon na nakikiramay sa pagpanaw ng Pinoy music icon na si Danny Javier

Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang Mababang Kapulungan sa mga naulila ni APO Hiking Society member at Pinoy music icon na si Danny Javier na pumanaw noong Oct. 31, 2022 sa edad na 75.

Nakapaloob ito sa House Resolution 530 na pinagtibay ng mga kongresista sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ang kopya ng pinagtibay na resolusyon ay ibibigay ng Kamara sa pamilya ni Javier.


Kinikilala sa resolusyon ang habambuhay na ala-ala sa natatanging kontribusyon ni Javier sa Philippine Pop Music, at lahat ng kanyang mga awitin at komposisyon na nagdala ng ngiti at ligaya sa maraming mga Pilipino.

Sa resolusyon ay tinukoy ang pagiging mahusay na musician, singer, composer, actor, television host at businessman ni Javier.

Si Javier ay kasama nina Boboy Garovillo at Jim Paredes sa APO Hiking Society, na isa sa mga itinuturing na haligi ng Original Pilipino Music o OPM.

Binanggit din sa resolusyon ang paghanga sa hindi pagtigil ni Javier na ipaglaban ang kanyang minamahal at kanyang pinaniniwalan gayundin ang pagiging inspirasyon nito sa kanyang kapwa.

Facebook Comments