Isang consultative meeting sa mga regional official ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isinagawa sa Mababang Kapulungan kaugnay sa isinusulong na pag-amyenda sa Republic Act 9184 o ang “Government Procurement Reform Act.”
Ang pulong ay pinangunahan ni House Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na nagsabing nasa 20 taon na ang nakalipas mula ng maisabatas ang RA 9184 kaya panahon na para amyendahan at iangkop sa kasalukuyang set-up.
Ngayong 19th Congress, tatlong panukala ang nakabinbin sa Komite ng Revision of Laws na layuning amyendahan ang naturang batas.
Sa nabanggit na mga panukala ay isinusulong na itaas sa P100 milyon ang pre-bidding conference threshold mula sa kasaluyang P1 milyon.
Pinababawasan din ng panukala ang kabuuang proseso mula 72 calendar days sa 34 calendar days.
Itinatakda rin ng mga panukala na gawing rekisitos ang isa lamang na pagpopost ng notice of award at notice to proceed na may kasamang kontrata sa loob ng 15 calendar days mula sa pag-iisyu ng NTP.
Nakasaad din panukala na isama ang katagang “unless delegated to the Bids and Awards Committee Secretariat” sa Section 25 ng Implementing Rules and Regulations ng RA 9184.
Sa pulong ay umapela naman sa mga mambabatas si DPWH Undersecretary for Operations Antonio Molano na isama ang probisyon sa panukala ang pagpapahintulot sa paggamit ng teknolohiya upang mapabilis ang proseso sa panahon ng pagkilatis, at antas ng post-qualification sa procurement.