Babantayang mabuti ng House of Representatives ang sinabi ng Senado na ipapasa nila ang Resolution of Both Houses No. 6 o RBH 6 hanggang Marso.
Sinabi ito nina House Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez at Majority Leader at Zamboanga CIty Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe.
Ayon kina Suarez at Dalipe, dapat tuparin ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pangako nila kay Pangulong Bongbong Marcos na ipapasa ang RBH 6 bago mag-holy week break ang session.
Pagmamalaki ni Suarez, natupad ng Kamara ang legislative commitments kasama ang pagpapatibay ng mga inilatag na prayoridad na panukala ni Pangulong Marcos at Legislative Executive Development Advisory Council.
Muli namang iginiit ni Dalipe sa Senado na ihinto na ang pagdinig ukol sa People’s Initiative at tutukan ang pagtalakay at pagpasa sa RBH 6 sa lalong madaling panahon.