Nakaabang na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sakaling magpatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo sa gasolina.
Ito ay para ipasa ang panukalang suspensyon sa excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco sa gitna na rin na lumalakas na panawagan na magkaroon ng special session lalo’t nakikita pa rin ang nakaambang taas-singil sa gasolina.
Anila, inaabangan na lang ang pasya ni Pangulong Duterte dahil siya lamang ang may kapangyarihan magpatawag ng special session.
Batay sa 1987 Constitution, tanging ang presidente lamang ang may kapangyarihan na magpatawag ng special session kahit sa gitna ng recess.
Ang Mataas at Mababang Kapulungan ay nasa 3 buwang break para bigyang daan ang halalan.
Una nang sinabi ng binuong Fuel Crisis Committee na bukod sa panukalang excise tax suspension ay maaaring isabay na rin ang pagtalakay sa isinusulong na oil regulation law.