Kamara, nakahandang magsagawa ng pagdinig kahit naka-recess

Manila,Philippines – Nakahanda ang Kamara na magpatawag ng pagdinig kahit nakabreak na ang sesyon para sa paghahanda sa kampanya sa 2019 midterm election.

Ito ang sinabi ni House Minority Leader Danilo Suarez kasunod ng pagpapa-subpoena ng House Committee on Appropriations kay Budget Sec. Benjamin Diokno dahil sa panlimang beses na pandededma nito sa imbestigasyon ng Kamara sa mga anomalya sa 2019 budget.

Ayon kay Suarez, nakahanda naman ang Kamara na magpatawag ng pagdinig kung saan inaasahan na haharap na si Diokno at ang iba pang resource person kaugnay sa budget insertions ng DBM na P75 Billion sa DPWH at ang kwestyunableng flood control projects na ibinuhos sa mga balae ng Kalihim.


Tiniyak ni Suarez na handa ang Mababang Kapulungan na maglaan ng oras at panahon para maisagawa ang pagdinig sa 2019 budget kahit pa magiging abala din sila sa pangangampanya.

Irerekomenda din ng Minority Leader kay Appropriations Chairman Rolando Andaya Jr., na pagsabay-sabayin ang mga resource persons na padaluhin at hindi paisa-isa para masagot na lahat ng mga katanungan tungkol sa pambansang pondo.

Kaugnay nito ay nagdesisyon ang Kamara na i-extend hanggang sa Biyernes ang sesyon para maratipikahan na ang 2019 national budget bago ang break ng 3rd regular session ng 17th Congress.

Facebook Comments