Manila, Philippines – Nagpahayag ng kahandaan ang Kamara na sumunod sa atas ng Pangulo na mag-convene ang Kongreso para magsagawa ng special session kahit naka-break.
Ito ay upang makapaglatag ng contingency plan ang pamahalaan laban sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, tinitiyak niya sa publiko na ang lehislatibo ay masusing nakikipagtulungan sa ehekutibo para masigurong walang Pilipino ang madadamay at mapapahamak sa nagbabadyang krisis sa Gitnang Silangan.
Pagtitiyak pa ni Romualdez, ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Middle East ang kanilang pangunahing concern.
Sa ngayon aniya ay naghihintay pa ang Mababang Kapulungan sa formal communication mula sa Malakanyang hinggil sa isyu.
Habang naghihintay naman sa magiging aksyon ng palasyo, inatasan naman na ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang House Secretariat na maghanda sakaling magpatawag na ng special session.
Nakatakdang magpulong na rin ang mga congressional leaders at mga gabinete para sa ilalatag na contingency plan.