Kamara, nakikipagtulungan sa BFAR para masuportahan ang mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea

Mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources kaugnay sa pagbibigay ng kailangang suporta sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa chairman ng komite na si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan, mahalaga ring mapalakas pa ang BFAR upang maging epektibong katuwang ng coast guard at militar sa pagbibigay ng proteksyon at suporta sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Tinukoy ni Yamsuan na base sa huling briefing ng BFAR sa komite ay kailangan nitong bumili ng dalawang dagdag na Monitoring, Control and Surveillance (MCS) patrol vessels at isang food boat para sa masuportahan ang pagsisikap ng pamahalaan na protektahan ang ating marine resources WPS.


Binanggit ni Yamsuan na sa ngayon ay umaabot sa 385,000 mangingisda natin ang umaasa sa WPS para sa kanilang ikinabubuhay kaya kailangan silang protektahan laban sa panggigipit at mga agresibong hakbang ng China.

Facebook Comments