Nagpahayag ng mensahe ng pakikiramay ang House of Representatives sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga naulila sa pagpanaw ni Palawan Rep. Edward Hagedorn.
Sabi ni Speaker Romualdez, para sa maraming miyembro ng Kamara si Hagedorn ay hindi lamang kasamahan sa trabaho kundi isang kapamilya.
Diin naman ni Deputy Majority Leader at Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos, laganap ang alamat ni Mayor Hagedorn sa mga probinsya ng ating bansa lalung-lalo na dahil sa kanyang kampanyang pagtatanggol sa kalikasan at pagtataguyod ng turismo.
Itinuturing naman ni CIBAC Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva si Hagedorn bilang hiyas sa larangan ng pamamahala at politika sa bansa dahil hindi lang ito outstanding public servant, kundi isa ding mabuting kaibigan at ambassador ng pagmamahal ng Panginoon.
Tutularan naman ni Manila Third District Rep. Joel Chua ang ginawa ni Hagedorn na pagsusulong sa Puerto Princesa Subterranean River bilang UNESCO World Heritage Site sa kanyang kampanya para mapabilang din dito ang lugar ng Quiapo sa Maynila.
Pinuri naman ni Committee on Ecology Chairperson and Biñan, Laguna Rep. Marlyn Alonte ang pagiging environment crusader, congressman, at natatanging mayor ng Puerto Princesa ni Hagedorn gayundin ang pagbibigay proteksyon nito sa Palawan laban sa mga indibidual o kompanya na nagtangkang sirain ang natural beauty and wealth ng lalawigan.