65 na mga Pilipino sa abroad ang nasa death row o nakatakdang bitayin dahil sa kinakaharap na kaso.
Ibinunyag ito ang Nueva Ecija Second District Representative at budget sponsor ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Joseph Gilbert Violago sa plenaryo hinggil sa pondo ng ahensya sa taong 2023.
Ayon kay Violago, 48 dito ay lalaki at 17 ang babae kabilang na si Mary Jane Veloso na nakakulong sa Indonesia ng 12 taon matapos mahulihan ng 2.6 kilograms ng heroin sa kaniyang bagahe noong October 2010.
Si Veloso ay sinentensyahan ng kamatayan dahil sa kaniyang drug charges at nakatakda sanang bitayin noong 2015 pero naudlot nang sabihin ng gobyerno ng Pilipinas na mahalaga ang kaniyang testimonya laban sa mga recruiters nito na nahaharap sa human trafficking.
Dahil dito ay humiling si Gabriela Party List Representative Arlene Brosas sa DFA at maging kay Pangulong Bongbong Marcos ng mas matinding aksyon upang mabigyan ng clemency si Mary Jane at ang iba pang mga Pilipinong nasa death row.
Sa ngayon, wala pang sagot ang Indonesia sa kaso ni Veloso pero sumailalim na ito sa konsultasyon sa pagitan ng DFA at ng counterpart nito sa Indonesia.