Kamara, nanindigan na legal ang paghahain ng mosyon para pasagutin si VP Sara sa Articles of Impeachment

Iginiit ni House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor ng Iloilo na ligal ang paghahain ng House prosecution team ng mosyon sa Senado upang hilingin kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na pasagutin si Vice President Sara Duterte sa inihaing Articles of Impeachment ng Kamara.

Ang tinutukoy ni Defensor ay ang Entry with Motion to Issue Summons kung saan hiniling ng prosekusyon na pasagutin si Duterte sa inihaing impeachment case.

Sinabi ni Defensor na nakapaloob ang paghahain ng naturang mosyon sa Senate rules kaugnay ng pagsasagawa ng impeachment trials.


Sa ilalim ng naturang panuntunan, pasasagutin ng Senado ang respondent sa inihaing kaso sa kanya sa loob ng 10 araw, mula sa araw na natanggap ang atas.

Batay sa impeachment timeline na inilabas ni Escudero ay sa June 4 pa pasasagutin ng Senado si VP Sara habang sisimulan naman ang paglilitis sa Hulyo 30 na dalawang araw makalipas ang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr. at magtatapos ang pagbubukas ng ika-20 Kongreso.

Facebook Comments