Kamara, nanindigan na walang dahilan para maibasura ang impeachment case ni VP Duterte

Nanindigan ang mga lider ng kamara at miyembro ng house prosecution team na walang dahilan para ibasura ang impeachment case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte kung hindi pa nagsasagawa ng paglilitis ang impeachment court.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, seryoso ang mga alegasyon kay VP Sara na malalaman kung totoo o hindi sa isasagawang paglilitis.

Kinuwestiyon naman ni House Assistant Majority Leader at Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr. ang legal na basehan ng anumang mosyon na ibasura ang kaso ng walang buong pagdinig.

Giit naman ni Atty. Antonio Audie Bucoy, tagapagsalita ng House prosecution team, walang sapat at makatuwirang batayan upang ibasura ang impeachment complaint laban sa bise presidente hanggat hindi nagsasagawa ng paglilitis ang Senate impeachment court.

Paliwanag naman ng isa sa mga miyembro ng house prosecution team na si Batangas Rep. Gerville Luistro, maliwanag sa Saligang Batas na ang kapangyarihan at tungkulin ng impeachment court ay “to try and to decide” o maglitis at magpasya kung iko-convict o i-a-acquit ang akusado.

Facebook Comments