
Nanindigan ang House Prosecution panel na naaayon sa Saligang Batas at sa rules of procedure ng Senado kaugnay sa impeachment trial ang inihain nitong mosyon na nag-aatas kay Vice President Sara Duterte na sagutin ang Articles of Impeachment.
Ayon kay 4Ps Partylist Representative Marcelino “Nonoy” Libanan na siyang tumatayong lead prosecutor, batay sa alituntunin ng Senado, ay dapat nitong utusan ang respondent o si VP Sara na magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap nito ng kopya ng reklamong impeachment.
Ipinunto ni Libanan na hindi naman sinasabi sa rules ng Senado na dapat ay sa Hunyo 4 pa obligahin ang bise presidente na saguting ang reklamong impeachment.
Giit ni Libanan, napakahalaga na agad aksyunan ng Senado ang impeachment ni VP Sara para maipakita sa publiko na hindi pinalalagpas ang kasalanan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Dagdag naman ni 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez, na isa sa mga miyembro ng prosecution team, hindi kailangang bumalik sa Pilipinas si Vice President Duterte upang sagutin ang Articles of Impeachment.
Paliwanag ni Gutierrez, maaaring gawin ng ikalawang pangulo ang pormal na pagsagot sa pamamagitan ng mga diplomatic post ng Pilipinas sa ibang bansa.