Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bigas ay napatunayan ng Kamara na walang shortage ng bigas sa bansa dahil iniipit lang umano ang suplay nito at nakaimbak lang sa mga malalaking bodega.
Natuklasan ito sa inspeksyon sa ilang warehouse ng bigas sa Bulacan na pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama sina ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo at Edvic Yap gayundin si Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga at Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Sa bisa ng letter of authority ay pinagsusumite ng Bureau of Custom (BOC) ang mga may-ari ng Great Harvest Rice Mill Warehouse, San Pedro Warehouse, at FS Rice Mill ng mga dokumento upang patunayan na legal ang kanilang pag-angkat ng bigas.
May 202,000 sako ng bigas na nagkakahalaga ng 500-million pesos ang nakatago sa tatlong bodega pa lang na sinilip ng mga mababatas sa Bulacan.
Dismayado si Speaker Romualdez, na sinasamantala ng mga hoarders at price manipulator ang “lean months” at iniipit ang suplay ng bigas upang tumaas ang presyo nito at lumaki ang kanilang kita.