Ipinagmalaki ni Congressman Joey Salceda na may mahigpit na safeguards ang ipinasa ng Kamara na House Bill 6608 o panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) para matiyak na hindi ito maaabuso at mapapasukan ng iregularidad.
Si Salceda ay isa sa mga pangunahing may-akda ng MIF Bill at chairman din ng technical working group na nanguna sa nagplantsa sa panukala.
Pangunahing tinukoy ni Saldeda na safeguards ng MIF Bill ang financial review sa kakayahan ng mga nag-invest na mga government financial institution.
Tinukoy rin ni Salceda ang ipinasok na amyenda ng Makabayan Bloc na right to freedom of information o pagbubukas sa publiko ng lahat ng dokumento at impormasyon ukol sa MIF.
Binanggit ni Salceda, na may penal provision din sa panukala para matiyak ang pananagutan ng mga miyembro ng Maharlika Investment Corporation o MIC na siyang mangangasiwa sa MIF.
Kasama rin ang parusa para sa mga magsasabwatan, hahayaan ang graft and corrupt practices, at magbabanta sa mga whistleblower at iba pa.