Nilinaw ni House Secretary General Reginald Velasco ang impormasyon patungkol sa ₱20 milyon na budget para sa ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos sa July 22.
Binigyang diin ni Velaso, na kasama sa naturang 20-million pesos ang gastusin sa ginagawang paghahanda sa SONA na nagsimula pa noong Marso 12, kung kailan nabuo ang SONA task force.
Sabi ni Velasco, kasama rin sa gastusin ang mga Inter-Agency Coordination Meeting na dinadaluhan ng iba’t ibang departamento at ahensya na bahagi ng preparasyon sa SONA.
Ayon kay Velasco, ang pagkain sa araw ng SONA ay para sa mga bisita, internal staff at external personnel gaya ng pulis na magbabantay sa serguridad sa paligid ng Batasan Complex gayundin ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang support staff.
Binanggit ni Velasco, na kasama rin sa tutustusan ng Kamara ang tatlong set ng uniporme ng nasa 2,000 empleyado ng House Secretariat na gagamitin hindi lamang sa araw ng SONA kundi sa kanilang araw-araw na pagpasok sa trabaho.
Sabi ni Velasco, may bayarin din para sa mga dagdag na tauhan at equipment na titiyak sa seguridad at kaayusan ng SONA at dagdag na medical support mula sa kalapit na ospital.
Dagdag pa ni Velasco, bukod sa mga imbitasyon at giveaways ay may nerentahan ding LED walls at iba pang equipment upang mapaganda ang audiovisual presentation at overall ambiance sa loob ng plenary hall at Batasan Complex gayundin ang mga dekorasyon tulad ng mga naka-pasong halaman at bulaklak.