Kamara, nilinaw na isang bagong prangkisa para sa ABS-CBN ang inaprubahan kahapon sa 2nd reading; proseso ng pagbibigay ng provisional franchise, legal ayon sa isang eksperto

Nilinaw ngayon ni House Deputy Speaker at Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II na isang bagong prangkisa para sa ABS-CBN ang panukalang batas na ipinasa kahapon sa second reading ng Mababang Kapulungan.

Paliwanag ni Gonzales na isa sa may-akda ng House Bill 6732, iniratsada nila sa Kamara ang panukalang nagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN hanggang October 31, 2020 matapos na hindi tuparin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ipinangakong pagbibigay ng provisional authority para makapag-operate ang network.

Sinabi pa nito na hindi na maaaring i-extend ang isang prangkisa na napaso na kaya kinakailangan na ng panibagong franchise para dito habang dinidinig naman ng Kongreso ang 11 panukalang batas para sa 25 years franchise ng ABS-CBN.


Dagdag pa ni Gonzales, ang mahalaga ngayon ay mapapabilis pa ang gagawing pagdinig ng House Committee on Legislative Franchise sa mga nakabinbin na application para sa renewal ng prangkisa ng giant network dahil mayroon lamang sila hanggang October 31 para talakayin ito.

Sakali kasing nabigyan ng provisional authority ng NTC ang ABS-CBN ay magiging kampante ang Kamara na gawin muna ang mga mas mahahalagang panukala at posibleng sa susunod na taon pa aaksyunan ang franchise renewal ng ABS-CBN.

Samantala, nagbabala naman si Franchise Lawyer Atty. Rolex Suplico na dadaan sa butas ng karayom ang ABS-CBN bago sila mabigyan ng provisional franchise dahil sa dami pa ng prosesong pagdaraanan nito.

Naniniwala naman si Suplico na bagama’t bago sa kanyang pandinig ang “provisional franchise” ay alinsunod naman ito sa legal na paraan ng paggawa ng batas.

Facebook Comments