Ikinakasa na ng House Murang Pagkain Supercommittee o Quinta Commitee ang pinag-ibayong imbestigasyon sa mataas na presyo ng bigas, gayundin ang presyo ng karne ng manok at baboy at gulay.
Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na siyang overall chairman ng Quinta Committee, layunin nilang masunod ang dapat na presyo ng bigas lalo na ang imported rice na ang landed price ay nasa P34-36 kada kilo base sa pinakahuling pagtala mula sa Food and Agriculture Organization.
Hinala ni Salceda, nagpapataw ng sobrang presyo ang mga supermarket kaya umaabot sa P70 per kilo ang presyo ng bigas sa bansa.
Binanggit ni Salceda, aalamin naman ng Quinta Committee ang mga hakbang ng Department of Agriculture para mapanatiling mababa ang presyo ng karne ng manok at baboy na pawang apektado kapag tumataas ang presyo ng mais.
Iginiit din ni Salceda na dapat matiyak na magiging abot-kayang presyo ng gulay upang hindi magdusa ang magsasaka kung sosobra ang suplay nito at agad matugunan sakaling kukulangin ang produksyon.