Kamara, patuloy ang pagbuhos ng pakikiramay sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino

Patuloy na bumubuhos ang pakikiramay ng mga kongresista sa Kamara sa biglaang pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino III.

Ayon sa kaibigan ni PNoy na si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, napaglingkuran nang husto ni Aquino ang bansa at isang karangalan para sa kanya na makatrabaho noon ang dating Presidente.

Nakilala na niya nang husto si Aquino bago pa man ito maging Pangulo at masasabi niyang hindi nagbago ang katangian nito na pagiging mapagpakumbaba, may integridad at makabayan.


Pero kung tutuusin aniya ay hindi rin komportable si PNoy sa kapangyarihan kahit pa nagmula na ito sa makapangyarihan at maimpluwensyang pamilya.

Aniya, tulad sa ina nitong si dating Pangulong Cory Aquino, ang nasa isip nito sa pamamahala ay hindi dahil sa kapangyarihan kundi para maisakatuparan ang tungkuling makapagsilbi sa bayan.

Ilan pa sa mga kongresistang nagpaabot ng kanilang pakikiramay ay sina Deputy Speaker Mikee Romero, Deputy Speaker Strike Revilla, ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran, at AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin.

Facebook Comments