Inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang lahat ng standing at special committees na magsagawa ng hearings sa kasagsagan ng congressional break na magsisimula bukas, September 30 hanggang sa November 5.
Pagkatig ito ni Romualdez sa mosyon ni House Deputy Majority Leader Marlyn Agabas sa plenaryo na pahintulutan ang lahat ng komite na magtrabaho pa rin kahit nakabreak ang session para maisulong ang mga mahahalagang panukalang batas.
Pinatututukan ni Romualdez sa mga komite ang mga makabuluhang panukala partikular na ang mga inaasahang tutugon sa mataas na presyo ng pangunahing bilihin.
Ayon kay Romualdez, Kailangan pa ring matiyak na mapapabilis ang pagpasa sa nalalabing priority legislations kahit naaprubahan na ang target ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC at mga nabanggit sa State of the Nation Address ng pangulo.