Pinakikilos ni dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Representative Janette Garin ang Department of Health (DOH) kaugnay sa mga lumalabas na fake news sa novel coronavirus.
Kumakalat aniya sa social media na may mga ospital o lugar sa Pilipinas na may kumpirmadong kaso ng N-CoV.
Bukod dito, may mga inilalabas ding nakakabahalang mortality rate dahil sa corona virus at ang pagkalat ng N-CoV sa pamamagitan ng hangin na maaaring magdulot ng panic sa publiko.
Hiniling ni Garin na sagutin ng DOH ang bawat fake news na lumalabas upang lumakas ang tiwala ng publiko na kaya ng gobyerno na maiwasan ang banta ng panibagong outbreak sa bansa.
Samantala, pinag-iingat naman ni Ang Probinsyano Partylist Represenative Ronnie Ong ang DOH sa pag-i-isyu ng statements tungkol sa N-CoV.
Ayon kay Ong, kailangan munang kumpletuhin ang mga confirmatory tests sa mga hinihinalang kaso ng NCov bago maglabas ng statements.
Hinimok ng kongresista na makipag-ugnayan ang DOH sa Bureau of Immigration (BI) at iba pang ahensya para paigtingin ang vigilance ng publiko laban sa sakit.