Pinayuhan ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang mga ahensya ng gobyerno na mag-develop ng mobile apps upang mas mapadali ang pabibigay ng tulong sa mga tao.
Giit ng kongresista, hindi dapat nahihirapan ang mamamayan sa pagkuha ng ayuda at iba pang tulong mula sa pamahalaan dahil ito ay pera naman ng taumbayan.
Partikular na tinukoy ni Cayetano ang Department of Health o DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr) na dapat ay mayroong sariling mga mobile applications para dito na lang magsusumite ng mga requirements at sa pamamagitan ng QR code o virtual wallet ay makukuha na ng publiko ang kanilang ayuda.
Punto ni Cayetano, mayroong ₱5-B na pondo sa ilalim ng 2022 national budget ang mga nabanggit na ahensya na nakahanda na para sa distribusyon ng tulong sa mga vulnerable sector.
Magkagayunman, karaniwang natatagalan ang paghahatid ng ayuda dahil sa red tape, mga fixers sa frontline government agencies, at mga lokal na pulitiko na umaaktong mediators sa mga national financial aid programs.