Pinaglalatag ng Kamara ang Department of Energy (DOE) ng plano sa nalalapit na halalan sa 2022.
Nais ng Kamara na matiyak ng DOE na walang magaganap na “brownouts” sa panahon ng eleksyon.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy, pinaglalatag ni Energy Committee Vice Chairman PHILRECA Partylist Rep. Presly de Jesus na dapat ay nagpa-plano na ang DOE para sa “summer season” o panahon ng tag-init gayundin sa gagawing pambansang halalan sa susunod na taon.
Binusisi rin ni De Jesus ang DOE kung ano ang posibleng “worst case scenario” sa nabanggit na panahon, lalo’t maaalala na noong Mayo at Hunyo ng taong kasalukuyan ay nagkaroon ng rotational brownouts sa Luzon.
Inamin naman ni Energy Usec. Emmanuel Juaneza na posibleng magkaroon ng Yellow Alerts o manipis na supply ng kuryente pero hindi naman ito mauuwi sa rotational brownouts.
Sa naturang pagdinig din ay binanggit ni Energy Usec. Wimpy Fuentebella na batay sa kanilang outlook ay may “sufficient” o sapat na supply ng kuryente sa panahon ng eleksyon, at kahit pagkatapos din ng mismong halalan.