Pinakikilos ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Kamara para tulungan ang Department of Tourism (DOT) na maglatag ng contingency plan upang maiwasan ang negatibong epekto ng novel coronavirus (nCoV) sa turismo ng bansa.
Inatasan na ni Cayetano ang House Committee on Tourism at House Committee on Economic Affairs na makipag-ugnayan sa DOT upang alamin ang mga short at medium-term effects ng nCoV sa tourism at travel industry sa Pilipinas.
Ayon kay Cayetano, nais tiyakin ng Kamara na hindi maaantala ang paglakas ng turismo sa bansa sa mga susunod na buwan.
Tinukoy ni Cayetano ang ginawa ng Tourism Arts and Culture Ministry ng Malaysia na bumuo ng Tourism Recovery Committee na siyang titiyak sa safety at comfort ng mga turista na sasailalim sa health screening.
Batay sa records ng DOT, sa 7.4 million international tourist arrivals sa bansa mula January hanggang November 2019, 1.63 million dito ay mga Chinese kung saan pangalawa din ito sa tourist spenders sa Pilipinas na aabot sa $979.4 million o P51 billion noong nakaraang taon.
Ang pansamantalang travel ban sa mga lugar na apektado ng nCoV sa China ay siguradong malaki ang magiging epekto sa ekonomiya hindi lamang sa bansa kundi sa buong Asya.