Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution No. 504 na naghahayag ng nagkakaisang pakikidalamhati, suporta at malasakit ng mga kongresista para sa 2.4 milyong mga Pilipino na naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Paeng.
Sa naturang resolution ay tinukoy ang datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 154 na ang kumpirmadong namatay sa Bagyong Paeng habang mahigit 20 pang indibidwal ang nawawala.
Binigyang diin sa resolusyon ang kahandaan ng Kamara na magbigay ng tulong sa mga biktima ng kalamidad para maibsan ang hirap na idinulot sa kanila ng hagupit ng Bagyong Paeng.
Binanggit sa resolusyon ang pag-ambag ng mga mambatas sa relief and rehabilitation drive na pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa ₱75 million cash at in-kind donations na nalikom ng Kamara mula sa mga kongresista at private donors para sa pamilyang naapektuhan ng nagdaang bagyo.