Kamara, pinaiimbestigahan ang dengue outbreak sa bansa

Pinasisilip na sa Kamara ang mga naging hakbang ng gobyerno para tugunan ang lumalala at tumataas na kaso ng mga nagkakasakit na dengue sa bansa.

 

Ito ay kasunod na rin ng pagdedeklara ng dengue national health emergency sa bansa matapos umabot na sa 491 ang mga namamatay sa sakit at pagdoble ng bilang ng mga naitalang dengue cases.

 

Sa House Resolution 124 na inihain nila Gabriela Rep. Arlene Brosas, Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Sarah Elago, inaatasan ang Committee on Health na imbestigahan “in aid of legislation” ang mga aksyon ng pamahalaan sa dengue outbreak sa bansa at kung may sapat na pondo para tugunan ang pangangailangan ng mga nagkakasakit.


 

Tinukoy sa resolusyon na mula January 1 hanggang July 6, 2019 o sa loob ng pitong buwan ay dumoble sa 115,986 ang kaso ng dengue sa buong bansa mula sa 62,267 noong nakaraang taon.

 

Sinabi naman ni Brosas na umabot na sa puntong hindi na rin ma-confine ang ilang dengue patients sa mga ospital lalo na sa mga probinsya dahil puno na at wala nang mapaglagyan sa mga ito.

 

Ilang pagamutan na aniya ang nagtayo na lamang ng tents para maging treatment centers sa mga pasyente.

 

Tiniyak naman ni Brosas na sa gagawing pagsisiyasat ay maglalaan ng sapat na pondo ngayong taon ang Kongreso para sa bakuna, dagdag na health personnel at gamot sa mga public hospitals para sa sakit na dengue.

Facebook Comments