Nakatakdang paimbestigahan ng ilang mga kongresista sa Kamara ang OCTA Research Philippines.
Sa House Resolution 2075 na inihain nila Deputy Speakers Bernadette Herrera at Kristine Singson-Meehan, at Reps. Stella Quimbo, Sharon Garin at Bong Suntay, inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan “in aid of legislation” ang qualifications, research methodologies, partnerships at composition ng OCTA Research Philippines.
Tinukoy sa resolusyon na mula sa umpisa ng COVID-19 pandemic ay palaging naku-quote o nababanggit sa mga balita ang mga babala ng independent COVID-19 research group na OCTA, kung saan pinakahuli ay ang rekomendasyon nitong “circuit breaker” o hard lockdown ngayong Agosto.
Iginiit ng mga mambabatas na bagama’t hinihikayat ng gobyerno ang non-governmental community-based o sectoral organizations na magsulong ng kapakanan ng bansa, hindi naman dapat magdulot ng panic sa publiko ang mga ibinabahaging impormasyon.
Ilan sa mga napuna ay ang case projection model ng OCTA na ibinase sa report na dalawang linggo na ang nakalipas.
Ibinabase umano ng OCTA ang COVID-19 reproduction numbers sa mga kasong naiulat sa nakalipas na 2 linggo na maituturing na mali dahil mayroong mga nasuri na mas maaga o kaya naman ay late kaya may backlogs.
Ayon pa sa mga kongresista, dapat ma-validate ang kaugnayan ng OCTA Research at ng University of the Philippines System makaraang itanggi ng UP-Diliman ang partnership sa research team.