Kamara, pinaiimbestigahan ang "secret cell" sa Maynila

Manila, Philippines – Hinimok ni Deputy Minority Leader at Kabayan PL Rep. Harry Roque ang Mababang Kapulungan na imbestigahan ang sikretong kulungan ng mga hinihinalang drug suspects sa MPD Station 1 sa Tondo Maynila.

Dahil dito, maghahain si Roque ng resolusyon sa muling pagbubukas ng sesyon sa Martes, Mayo 2, para imbestigahan “in aid of legislation” ang pagkakakulong sa mga nahuling suspek dahil sa iligal na droga.

Nais silipin ng kongresista kung may nilabag sa ilalim ng RA 9745 o Anti-Torture Act of 2009.


Dapat aniyang mapanagot din agad ang MPD personnel na nasa likod nito sakaling malamang nilabag ang karapatan ng mga ikinulong.

Giit ng kongresista, nakakabahala na iligal na ikinulong ang mga nahuli dahil wala namang record sa pagkakaaresto ng mga ito at nakakabahala ang hindi makataong sitwasyon ng mga suspek dahil bukod sa aparador lamang ang nagsisilbing pinto sa sinasabing secret cell, gayundin ay hinihingan pa daw sila ng pera pantubos para makalaya.

Hindi aniya malabong may iba pang police scalawags na gumagawag ikulong sa secret cell ang mga nahuhuli at dapat itong aksyunan ng PNP.

DZXL558

Facebook Comments