Pinamamadali ni Deputy Speaker Bienvenido Abante sa Department of Health (DOH) at sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagbibigay ng “permit to operate” sa National Center for Geriatric Health (NCGH).
Iginiit ni Abante na ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa ay mas kailangan natin ng maraming health facilities.
Simula 2019 ay inoperative o walang bisa ang ER at inpatient services ng pagamutan matapos na obligahin ng PhilHealth ang ospital na mag-apply ng hiwalay na accreditation.
Partikular na hinihiling ni Abante sa DOH at sa PhilHealth na bilisan ang accreditation ng NCGH upang sa gayon ay ma-activate ang kanilang emergency room at inpatient services na kailangang-kailangan ngayong may COVID-19 pandemic.
Bagama’t kinikilala ng kongresista na tinitiyak lamang ng mga hinihinging requirements at proseso ang tamang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, mahalaga namang ikunsidera ang ilang mga factors para mapadali ang pagbibigay ng permit tulad ng surge ng COVID-19 cases at ang NCGH na natatanging ospital na dalubhasa sa geriatric care.
Punto ng mambabatas, dahil sa mataas pa ring kaso ng COVID-19 nakaapekto ito para tugunan ng mga ospital ang ibang-uri ng sakit na nangangailangan din ng hospitalization.
Kung wala rin aniya ang NCGH ay kawawa ang mga matatanda dahil walang ibang pasilidad na mapupuntahan para sa ibang medical services na kanilang kailangan.