Kamara, pinare-review ang accuracy ng lahat ng brands ng COVID-19 tests

Kinalampag ni Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Partylist Representative Michael Defensor ang Department of Health (DOH) na i-review ang accuracy ng lahat ng brands ng COVID-19 tests na ginagamit ngayon sa bansa.

Ayon kay Defensor, nakababahala ang mga nakarating na ulat na may ilang COVID-19 test kits ang umabot sa 20% ang ‘false-negative results’.

Sinabi ng kongresista na ang ‘false-negative result’ ay maaaring makapagbigay ng maling impormasyon at katiyakan sa isang pasyente sa pag-aakalang wala silang impeksyon.


Delikado rin aniya ito dahil ang maling resulta sa COVID-19 tests ay maaaring makadagdag sa pagkalat ng sakit.

Giit ng mambabatas, dapat na ipatigil ng DOH ang paggamit ng mga ganitong klase ng COVID-19 tests at tiyakin ng ahensya na ang P1.9- bilyon na pondo para sa COVID-19 screening ay mapupunta sa mga reliable at accurate na brands ng COVID-19 tests.

Ipinasasapubliko rin ni Defensor sa DOH kung ilan nang COVID-19 tests ang nagamit mula noong Marso ngayong taon at ilang tests ang inulit dahil sa ‘false-negative results’.

Facebook Comments