Kamara, pinayuhang magsagawa ng session bago mag Undas para ipasa ang proposed 2021 national budget

Tinawagan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si House Speaker Alan Peter Cayetano at iminungkahi na magsagawa ng session ang Kamara bago mag Undas para ipasa sa third ang final reading ang proposed 2021 national budget.

Ito ang nakikita ni Senator Lacson na workable o uubrang solusyon para masiguro na maaaprubahan ang 2021 budget bago matapos ang taon.

Remedyo ito sa maagang pagsuspinde ni Cayetano sa plenary session kaya hindi nila naipasa ang 2021 budget at hindi pa maisusumite sa Senado.


Ayon kay Lacson, kapag tinugon ito ng Kamara ay magkakaroon ng sapat na panahon ang Senado na pag-aralan ang house version ng budget para sa pagbabalik ng sesyon sa November 16, 2020 ay masimulan nila ang plenary deliberations.

Ipinaliwanag ni Lacson, kapag naisumite na sa Senado ang budget ay kakailanganin ng isang linggo ng mga Finance Committee Vice Chairperson para ito ay pag-aralan at gumawa ng committee report.

Gugugol din ng panahon ang Finance Committee para i-consolidate ang lahat at gumawa ng committee report na siyang ihahain sa plenaryo.

Giit ni Lacson, lifeblood ng ating ekonomiya ang pambansang budget kaya tumawag siya kay Cayetano para magmungkahi ng solusyon.

Una rito, ay kinontra ni Lacson ang sinabi ni Cayetano na isang araw lang naman maaantala ang pagsusumite nila ng budget sa Senado.

Giit ni Lacson, ang laki ng diperensya sa pagitan ng October 14 na siyang orihinal na iskedyul ng submission ng Kamara sa Senado ng budget kumpara sa November 17, 2020 na bago nilang iskedyul.

Facebook Comments