Kamara, pormal nang naghain ng motion for reconsideration sa SC para baligtarin ang desisyon nito sa impeachment case laban kay VP Sara Duterte

Pormal nang inapela ng Kamara ang desisyon ng Supreme Court na nagdedeklarang unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa inihaing motion for reconsideration, hiniling nito sa Korte Suprema na baligtarin ang kanilang naging desisyon na nagdedeklarang labag sa Saligang Batas ang impeachment case ng bise presidente.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang hakbang ng Kamara ay hindi pagsuway sa Kataas-Taasang Hukuman, kung hindi bahagi ng pagtupad sa kanilang tungkulin alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon.

Dagdag pa ng mambabatas, layon ng mosyon na itama ang factual misreadings at retroactive procedural burdens na ipinataw ng korte na nagpapahina sa Saligang Batas at sa karapatan ng mamamayan na humingi ng pananagutan mula sa isang mataas na opisyal.

Nakasaad din sa mosyon na iisahang impeachment lang ang initiated laban sa bise presidente at hindi apat.

Iginiit din ng Kamara na walang nakasaad sa Konstitusyon na kailangan pasagutin ng Kamara si VP Sara Duterte bago i-transmit ang articles of impeachment sa Senado.

Sa impeachment trial aniya dapat sagutin ng bise ang lahat ng alegasyon tulad sa mga nakaraang impeachment.

Facebook Comments